ISANG ESTABLISYIMENTO, NABIKTIMA NG BUDOL

Natangay ang nasa P3,500 na kita ng isang establisyimento matapos itong mabiktima ng isang babae na nagkunwaring pinagkakautangan umano ng may-ari sa bayan ng Ramon, Isabela.

Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa may-ari ng Gwapito’s Wings and Tea na si Tantan, isang babae umano ang pumasok sa kaniyang puwesto at galit na nakipag-usap sa kanyang kahera dahil sa umano’y kanilang utang na nagkakahalaga ng P6,000 bilang kabayaran sa apat na kabang bigas, na siya namang pinabulaanan ng may-ari.

Giit ni Tantan, wala umano siyang utang sa kahit sino kaya laking gulat nito nang malamang may nagtungo sa kanilang restaurant upang maningil.

Naireport na rin aniya nito sa himpilan ng pulisya ang insidente at umaasang mahuli na ang suspek para hindi na ito muling makapag biktima.

Samantala, ayon sa kahera nito, nabudol umano siya ng babae dahil para umano siyang nahipnotized.

Hindi na rin daw nito naitawag sa Manager para kumpirmahin ang alegasyon ng babae subalit nataranta ito dahil sa mga sinasabi ng babae kaya naibigay ang halagang P3,500.

Ikalawang pagkakataon na umano itong nangyari sa kanila, kaya para aniya makasiguro ay maglalagay na sila ng karagdagang CCTV at Security Guard upang hindi na maulit ang nasabing insidente.

Facebook Comments