Cauayan City, Isabela- Namahagi ng nasa 431 ounces ng breastmilk ang isang grupo ng mga nanay para sa Milk Bank ng Cagayan Valley Medical Center na tulong para sa mga bagong panganak na sanggol na hirap mag-produce ng breastmilk ang kanilang ina.
Ang nasabing grupo ay tinawag na ‘YENA’, isang Ibanag na salita na ang ibig sabihin ay ‘nanay’ na may layuning magbigay ng suporta sa kapwa nila nanay sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga aktibidad.
Ayon sa isang founder ng YENA na si Jasmin Achanzar, nakolekta ang nasabing breastmilk mula sa pitong miyembro nito.
Bukod dito, namahagi rin ang YENA ng freebies para sa mga breastfeeding mommy na idineliver ng kanilang delivery partner na ‘Ride Mommy’.
Sa panig naman ng National Nutrition Council, napakahalaga na sa loob ng isang oras matapos maipanganak ang sanggol ay kailangang mabigyan agad ng breastmilk mula sa ina hanggang sa ika-anim na buwan.
Ipinababatid rin ng nasabing ahensya na ang isang sanggol ay kailangang tumanggap lamang ng breastmikk mula sa kanyang ina o sa isang ‘wet nurse’ o di kaya’y ‘expressed milk’ mula sa milk bank.