Isang Helper na Nagnakaw ng Sampung Pirasong Manok, Bagsak sa Kulungan!

*Cauayan City, Isabela- *Bagsak sa kulungan ang isang helper matapos maaktuhang nagnanakaw ng manok bandang alas singko y medya kaninang madaling araw sa Dacanay St, San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Reagan Cayetano Cañete, bente nuebe anyos, may-asawa at residente ng Bacolod City na kasalukuyang nagungupahan sa Research Minante Uno dito sa Lungsod ng Cauayan, habang ang biktima naman ay si Helen Bernardo, isang negosyante na residente naman ng Woodcrest Subdivision Tagaran, Cauayan City.

Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng PNP Cauayan City, naaktuhan umano ni Mark James Lago na kinukuha ng suspek ang sampung piraso ng cull na manok na umano’y nagkakahalaga ng tatlong libong piso at inilagay sa isang sako.


Sinira umano ng suspek ang dalawang padlock gamit ang isang liyabe (wrench pipe) upang makuha ang mga manok at sinubukan pa umano nitong tumakas subalit agad rin itong nahuli ni Lago.

Nasa kustodiya na ng PNP Cauayan City ang suspek na mahaharap sa kasong Pagnanakaw.

Facebook Comments