Cauayan City, Isabela – Maigting na tinitutukan ngayon ng DILG ang isang kaguluhan may kaugnayan sa eleksyon kung saan isang indibidwal ang binugbog kamakailan lamang sa Gamu Isabela.
Ayon kay DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na kanyang paiimbestigahan ito ng husto dahil sa kakulangan umano ng tauhan ng PNP na hindi nakapagresponde agad sa nasabing pangyayari.
Paliwanag pa ni Usec Diño na hindi umano maaring mangibabaw ang pananakot ng mga lokal na opisyal mula mayor, gobernador at congressman tungkol sa eleksyon, kundi pabayaan na umano ang taong bayan na pumili ng kanilang mga kapitan, kagawad, sangguniang kabataan chairman hanggang SK kagawad.
Kaugnay nito mayroon na umanong affidavit ang binugbog na indibidwal kung saan hinihintay na lamang ang medical certificate para maisampa ang kasong physical injury sa korte at harassment sa loob ng election code.
Samantala sa panayam ng RMN Cauayan kay Deputy Police Chief Inspector Jeriel Progoso ng PNP Gamu, base umano sa mga naging talaan ng mga pangyayari sa Gamu ay wala umanong nangyaring may kaugnayan sa eleksyon.
Ngunit titingnan o iimbestigahan parin umano ng PNP Gamu ang naganap nitong ika lima ng Mayo na sampalan sa pagitan nina Nixon Galano, Elijo Verona at Alex Pico ng Distric 2, Gamu Isabela dahil sa nagsadya sa PNP Gamu ang Public Attorneys Office na humingi ng kopya ng blotter at Medical Recomendation nina Nixon at Elijo.