ISANG KAINAN, HINOLDAP, HALOS P500,000, NATANGAY

May person of interest na ang pulisya matapos ang nangyaring panloloob ng tatlong suspek sa isang kainan sa Barangay Santos, Quezon, Isabela noong madaling araw ng Disyembre 6, 2022.

Batay sa imbestigasyon ng PNP Quezon, may tatlong customer kabilang ang mag-ama at isa pa ang nagkakape umano sa nasabing kainan nang may dalawang motorsiklo lulan ng mga suspek ang pumasok sa karinderya at nagdeklara ng hold-up.

Armado din umano ang tatlong suspek ng di pa matukoy na kalibre ng baril.

Kinuha umano ng mga suspek ang bag ng mag-amang biktima na naglalaman ng mahigit P400,000 na halaga ng pera na mula pa sa napagbentahan nila ng alagang baka gayundin ang 8,000 kita ng kainan.

Umabot sa halos kalahating milyon ang nakulimbat ng mga holdaper mula sa mga biktima sa loob lamang ng ilang minuto.

Kinilala ang mag-amang biktima na sina Reymar Salon at Randy Salon at ang kanilang pahinante na si Alberto Dela Cruz na pawang mga tubong Kalinga habang ang may-ari naman ng kainan ay kinilala na si Regina Manuel.

Matapos ang isinagawang krimen ay agad ding kumaripas ng takbo ang mga suspek lulan ang kanilang motorsiklo patungo sa direksyon ng Malalao, Tabuk City Kalinga.

Patuloy parin ang ginagawang pagtugis ng mga awtoridad upang maaresto ang mga suspek sa likod ng krimen.

Facebook Comments