Isang kalye sa Tondo, Maynila, isinara matapos magpositibo sa COVID-19 ang isang residente sa lugar

Naka-lock down ang isang kalye sa Barangay 69, Zone 6, District 1, sa Tondo, Maynila matapos magpositibo sa COVID-19 ang isang lalaking residente doon.

Partikular ang Hernandez Street, kung saan hindi na nagpapapasok ng ibang mga tao.

Ayon kay Barangay Chairman Edgar Tria, dalawang araw nang naka-lockdown ang Hernandez street dahil dito nakatira ang isang lalaki na naka-confine sa Manila Doctors Hospital  dahil sa pagkakaroon ng sintomas ng COVID-19.


Kinumpirma mismo ng may bahay ng pasyente na patuloy na inoobserbahan sa nasabing ospital ang kanyang mister.

Nasa walong pamilya o mahigit 40 na indibidwal ang naka-self quarantine ngayon sa gusali kung saan nakatira ang pasyente.

Ang iba mga residente sa kalye Hernandez ay naka-home quarantine na rin.

Ang gate ng kalye ay nakalock na, at walang ibang maaaring makapasok maliban sa health workers at mga pulis.

May nagrarasyon naman ng pagkain para sa mga apektadong residente.

Facebook Comments