Isang kapitan ng barangay sa Quiapo, Maynila, patay matapos pagbabarilin

Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang Manila Police District (MPD) sa nangyaring pagpatay sa isang kapitan ng barangay sa Quiapo, Maynila.

Nabatid na pinagbabaril ang kapitan ng Barangay 384, Zone 39, District III na si Abubacar Sharief habang nasa Quarantine Control Point (QCP) ito kagabi sa Globo de Oro sa Quaipo.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Carlo Manuel, ang tagapagsalita ng MPD, bawat anggulo ay bubusisiin sa imbestigasyon dahil hinala nila na may kaugnayan sa politika at negosyo ang nangyaring pagpatay.


Sinabi pa ni Manuel na lumalabas din sa kanilang record na napatay din ang ama ng kapitan na si Sainal Sharief noong 2012 pero wala pa ring linaw kung ano ang motibo.

Base pa sa imbestigasyon, malapitang pinagbabaril ng mga suspek ang kapitan gamit ang M-16 na baril.

Naisugod pa sa ospital ang biktima pero idineklarang dead on arrival.

Dahil naman sa insidente, hindi muna pinapapasok sa nasabing lugar ang mga hindi nakatira doon.

Nanawagan din ang mga kaanak at mga residente ng Barangay 384 sa lokal na pamahalaan at pulisya na maresolba ang krimen, at mahuli sana agad ang mga nakatakas na suspek.

Facebook Comments