*Cauayan City, Isabela- *Mamimigay ng timba-timbang relief goods ang isang klinika sa Tuguegarao City bilang tulong sa mga katutubong agta na nasalanta ng bagyong Ompong.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Dra. Zsa Zsa Meneses ng Meneses Clinic at kasapi rin ng Pugad Lawin Organization sa Tuguegarao City, na patuloy pa rin sa ngayon ang kanilang boluntaryong pagbibigay tulong sa mga katutubong agta sa pamamagitan ng isang balde na may lamang mga relief goods.
Aniya, malaki umano ang kahalagahan ng balde base na rin sa kanilang mga naranasang nagdaang bagyo kaya’t naniniwala si Dra. Meneses na malaking tulong ang kanilang pamimigay ng timba na may lamang bigas, noodles, tubig, mga delata at mga damit.
Mayroon na rin umano silang mga target na komunidad ng mga katutubong agta na kanilang bibigyan ng mga relief goods.
Nananawagan naman si Dra. Meneses sa lahat ng mga nais tumulong na bukas lamang umano ang kanyang klinika para sa lahat ng mga magbibigay ng tulong bilang karagdagan sa kanilang iaabot sa mga agta.
Nilinaw naman ng Dra. na wala umanong koneksyon ang pulitika sa kanyang ginagawang pagtulong bagkus ay isa umano ito sa kanyang adbokasiya na makatulong sa ating mga katutubong agta.