Isang kongresista, may babala sa nakaambang “nutrition crisis”

Nagbabala si House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda na posibleng mauwi sa “nutrition crisis” ang pagtaas ng antas ng kagutuman sa bansa

Sa pinakahuling survey, lumalabas na nadagdagan pa ng 100,000 na pamilya ang nakakaranas ng “involuntary hunger” sa unang bahagi ng 2022.

Giit ni Salceda, seryosong usapin ang pagtaas ng kagutuman at ang posibleng “nutrition crisis” dahil maaari itong makaapekto sa pangmatagalang aspeto ng pag-unlad.


Aniya, kung may kakulangan sa nutrisyon ang isang manggagawa ay nababawasan din ang productivity nito sa trabaho na tiyak na makakaapekto rin sa ating ekonomiya.

Ibinabala pa ng kongresista na posibleng lumala ang krisis sa nutrisyon bunsod naman ng hindi maawat na pagtaas sa presyo ng mga pagkain.

Dahil dito, pinatitiyak ng mambabatas na magawan ng paraan ng pamahalaan na magkaroon ng access ang mga mahihirap na manggagawa at kanilang pamilya sa murang pagkain.

Inirekomenda ni Salceda na para mabigyan ng access sa murang pagkain ang mga Pilipino ay dapat na masuportahan muna ang domestic production ng mga ani na maituturing na masustansya tulad ng camote, cassava, small-scale poultry and eggs, at easy-to-produce vegetables.

Hindi aniya mabibigyan ng murang pagkain at sapat na nutrisyon ang mga Pilipino kung tayo ay nakadepende lamang sa imports o mga iniaangkat na imported na gulay, karne at iba pang pagkain.

Facebook Comments