Isang kongresista, naglatag ng mga hakbang para matugunan ang lumalalang antas ng mental health problem sa mga kabataan

Ikinaalarma ni San Jose del Monte Rep. Florida Robes ang patuloy na pagtaas ng kaso ng mental health problems sa mga kabataan na dahilan ng pagdami ng nagpapakamatay sa kanilang hanay.

Tinukoy ni Robes ang pag-aaral na ginawa ng Global School-Based Student Health Survey Philippines, kung saan lumabas na 17% ng 13-17 years old ang natatangkang mag-suicide minsan sa isang taon.

Binanggit din ni Robes ang 2021 Young Adult Fertility and Sexuality Study na nagsabing tumaas ang nakaranas ng depression sa mga kabataan mula 2013 hanggang 2021 kung kelan umabot din sa 1.5 million Filipino youth ang nangtangkang magpakamatay.


Bunsod nito ay iminungkahi ni Robes ang paglikha ng isang multi-agency task force na syang magsusulong ng mga programa at aktibidad para mapalawak ang mental health awareness sa bawat pamilya at mga komunidad.

Inihalimbawa ni Robes na programa ang inilunsad ng San Jose del Monte government na “One-Like-For-Life” project, kung saan nagbibigay ng libreng counseling sa mga bata at kabataan ang mga doktor, nurse, psychologist at iba pang mental health practitioners.

Kasabay nito ay hinikayat din ni Robes ang mga kasamahang mambabatas na makiisa sa panawagang pagpasa ng panukalang batas na magdedeklara sa buwan ng Pebrero bilang “Buwan ng Nag-uusap na Pamilya.”

Ayon kay Robes, layunin ng panukalang maitaguyod ang epektibong pag-uusap sa pagitan ng mga miyembro ng isang pamilya.

Paliwanag ni Robes, ang mga magulang ang dapat unang sumbungan at takbuhan ng mga anak kapag sila ay malungkot o nasasaktan at may pinagdadaanan upang hindi na sila humantong sa depresyon o pagkakaroon ng problema sa pag-iisip na magtutulak para tapusin ang kanilang buhay.

Facebook Comments