Inaprubahan na ng House Committee on Women and Gender Equality ang panukalang “Sexual Orientation, Gender Identity, Gender Expression, or Sex Characteristics” o SOGIESC Equality Act.
Bunsod nito ay umaapela si Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas sa Senado na talakayin at huwag patulugin ang kanilang bersyon ng panukala na layuning maprotektahan ang mga indibidwal o grupo mula sa diskriminasyon, harassment at paglabag sa karapatang-pantao, batay sa kanilang SOGIESC.
Giit ni Brosas, lahat ng tao ay may SOGIESC, kaya lahat tayo ay may pakinabang sa naturang panukalang batas.
Ayon kay Brosas, bagama’t maraming nagtangkang tutulan at i-discredit ang panukalang ito ay patuloy pa rin silang maninindigan na lahat ng kabilang LGBTQIA+ ay may mga karapatan din na dapat irespeto.
Diin ni Brosas ang mga LGBTQIA+ ay dapat magtamasa ng pantay na mga karapatan sa edukasyon, trabaho, serbisyong kalusugan at iba pa ng walang takot at pangamba.