Hepe ng Angeles City Police, ni-relieve na sa pwesto matapos maaresto ang 7 tauhan na sangkot sa hulidap

Sinibak na sa pwesto si Angeles City Police Director, PCol. Juritz Rara dahil sa command responsibility.

Ito ay kasunod pa rin ng pagkakaaresto sa 7 nitong tauhan na sangkot sa pangingikil sa mga suspek na umanoy sangkot sa iligal na droga.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson PBGen. Red Maranan, naisilbi na ni PR03 Director PBGen. Jose Hidalgo Jr., ang relieve order kay Rara.


Ipinalit bilang Officer-In-Charge (OIC) ng Pampanga Police si LtCol. Deonido Maniago Jr.

Dahil dito, nagbabala si PBGen. Maranan sa iba pang opisyal na masisibak din sila sa pwesto kapag nakitang mayroong nakakulong sa kanilang hurisdiksyon na wala namang naisampang kaso.

Una nang ipinag-utos ni PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., ang pagsilip sa lahat ng jail facility na pinangangasiwaan ng PNP para matiyak na walang nalalabag na karapatan ng mga persons deprived of liberty (PDL).

Facebook Comments