Manila, Philippines – Kinumpirma ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na may isang kongresista na kasama sa narco-list ang humiling na magkaroon ng pagdinig hinggil dito.
Ayon kay Arroyo, papayagan niya ang pagsasagawa ng house inquiry sa pamamagitan ng oversight function sa dangerous drugs at hindi sa in aid of legislation.
Aniya, karapatan ng sinumang kongresista na magpatawag ng pagdinig pero hindi sa paraan ng paghahain ng resolusyon para bumuo ng panukalang batas mula sa mga makakalap na impormasyon.
Sinabi naman ni Arroyo na wala siyang balak na kausapin ang mga kongresista na kasama sa narco-list dahil dadaan naman sila sa due process.
Mababatid na kabilang sa pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang mga narco-politicians sina Leyte Representative Vicente Veloso, Pangasinan Representative Jesus Celeste at Zambales Representative Jeffrey Khonghun.