*Cauayan City, Isabela-* Inireklamo ng isang ginang na OFW ang isang kumpanya sa Lungsod ng Cauayan matapos itong bumili ng isang chair massager na nagkakahalaga ng P40,000.00.
Una rito, nahikayat di umano ang biktima na si Consuelo Evangelista na tubong Brgy. District 3, Cauayan City, Isabela na bumili ng nasabing machine na may kasamang libreng mga gamit na pang kusina at iba pa.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginang Evangelista, mistula aniya itong na-hypnotized matapos itong mahikayat na bumili ng nasabing gamit.
Ayon pa sa biktima, nagulat na lamang ito nang malaman ang kabuuang halaga na kanyang binayaran sa pamamagitan ng kanyang credit card na umabot sa halagang mahigit isangdaang libo (P100,000.00).
Inakala umano ng biktima na libre ang mga gamit na ipinakita sa kanya ngunit nang maisapinal ang kanyang babayaran ay lampas na sa presyo ng massage chair ang kinaltas sa kanyang credit card.
Agad namang nagtungo sa himpilan ng pulisya ang biktima upang humingi ng tulong na agad namang tinugunan ng kapulisan.
Sa pagtugon ng pulisya ay nangako naman ang nasabing kumpanya na ibabalik ang pera ng biktima at sa loob ng pitong araw ay makakatanggap ang biktima ng credit card memo mula sa bangko bilang katunayan na maibabalik ang kanyang pera.
Samantala, tumanggi namang magbigay ng pahayag ang inireklamong kumpanya.
Nagpaalala naman ang pulisya sa ganitong uri ng transakyon na maging aral ito sa publiko.