Isang lalaki, pinagbabaril patay sa Navotas

175
Manila, Philippines – Patay ang  isang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi kilalang mga suspek sa Galicia Extension Brgy. Bangkulasi, Navotas City.
 
Hindi pa rin makilala ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima na nakasuot ng pulang sando, stripes na shorts na kulay pula at puti, nasa edad 20-25 anyos at payat ang pangangatawan.
 
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya pasado alas dose ng hating gabi kanina  nasa loob ng kanilang bahay ang biktima  nang makarinig ang mga residente roon  ng  tatlong sunod-sunod na putok ng baril at nang puntahan ng mga Brgy. Tanod  ang pinanggalingan nito ay tumambad ang duguang katawan ng biktima na nakatihaya at wala ng buhay.
 
Nagtamo ang biktima ng tama ng bala ng baril sa ulo.
 
Ayon sa pulisya, isang live ammo o hindi pa pumuputok na bala ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril ang narekober sa pinangyarihan ng krimen.
 
Nakakuha rin ang mga operatiba ng SOCO  ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu.
 
Matatandaan na  ilang dipa lamang ang layo sa lugar kung saan binaril at pinatay din ang isang labing-anim na taong gulang na binatilyo mahigit isang Linggo pa lamang ang nakakalipas na napaulat na dinukot ng mga armadong lalaki at kalaunan ay natagpuan nang patay.
 
Inaalam na ng pulisya kung mayroong kinalaman sa ilegal na droga ang motibo ng pamamaslang.


 

Facebook Comments