Isang lasing na barangay kagawad, arestado matapos makipagsuntukan sa kapitbahay sa Maynila

Arestado ang isang lasing na kagawad ng barangay matapos itong makipagsuntukan sa kaniyang kapitbahay na naka-inom din ng alak sa Brgy. 819, Paco, Manila.

Nakikala ang naarestong kagawad na si Wilfredo Rivera kung saan dinakip din ang nakaaway nito na si Rodolfo Eloriaga.

Unang nakatanggap ng tawag ang Pandacan Police Station o MPD Station-10 hinggil sa nangyayaring kaguluhan sa may Barrio Sta. Maria Street kung saan nang magtungo ang mga pulis ay dito na nila nakita ang kagawad na si Rivera at Eloriaga na nagsisigawan hanggang sa nagsuntukan.


Hindi nagpaawat ang dalawa kahit pa nasa harap na sila ng mga otoridad kaya’t napilitan ang mga tauhan ng Pandacan Police Station na arestuhin sila.

Dito na muling nagsisigaw ang kagawad at pumapalag sa pag-aresto hanggang sa makarating ng presinto dahil na din sa nakainom ito ng alak.

Patong-patong na kaso ang kinakaharap ng kagawad maging ang naka-away nito partikular ang paglabag sa pinapairal na Enhanced Community Quarantine (ECQ) at ang ipinatupad na liquor ban ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila.

Facebook Comments