
Nananawagan si House Deputy Speaker at Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) Representative Raymond Democrito Mendoza sa Kamara at Senado na magdaos ng special session sa lalong madaling panahon.
Ito ay upang ipasa ang panukalang batas na magpapatupad ng ₱200 na pagtaas sa arawang minimum wage ng mahigit 5 milyong minimum wage earners sa buong bansa.
Giit ni Mendoza, hindi sapat ang mga mungkahing magkaloob ng ₱1,500 na subsidiya sa mga manggagawa sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, mga bilihin, at bayarin sa kuryente.
Ipinunto ni Mendoza na mistulang namamalimos lamang ang mga manggagawang Pilipino sa ₱1,500 na buwanang subsidiya o ₱50 kada araw.
Ayon kay Mendoza, ngayong taon ay maaaring ilaan bilang makabuluhang subsidiya sa minimum wage earners ang bahagi ng contingency at calamity funds, gayundin ang savings para sa ASEAN hosting na nakapaloob sa 2026 national budget.










