Isang Magsasaka, Patay Matapos Pagbabarilin ng Kapwa Magsasaka!

Cauayan City, Isabela- Dead on the spot ang isang magsasaka matapos barilin ng kapwa magsasaka sa Brgy. Faustino, Cauayan City, Isabela kahapon.

Kinilala ang nasawi na si Ernesto Cristobal, sisentay kwatro anyos, may-asawa habang ang suspek naman ay kinilalang si Mario Legazpi, nasa tamang edad, may asawa at pawang mga residente sa naturang barangay.

Batay sa ipinarating na impormasyon ng Cauayan City Police Station, lumalabas sa kanilang pagsisiyasat na dati na umanong may- alitan ang dalawang magsasaka na may kaugnayan sa kanilang lupang sinasaka.


Dagdag pa rito, abala umano ang dalawa sa pag-aararo sa kanilang mga sinasakang bukid nang makiusap umano si Legazpi kay Cristobal na gumawa ng kanal para sa kanilang patubig.

Tinanggihan umano ni Cristobal ang kahilingan ni Legazpi kaya’t binaril umano ni Legazpi si Cristobal gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.

Sa ngayon ay puspusan na ang isinasagawang manhunt operation ng PNP Cauayan upang madakip si Legazpi at mapatawan ng kaukulang parusa.

Facebook Comments