Bumagsak sa kamay ng National Bureau of Investigation-Special Action Unit (NBI-SAU) ang isang medical student makaraang mahulihan ng iligal na droga sa ikinasang buy-bust operation sa Quezon City.
Kinilala ni NBI Officer-in-Charge Director Eric B. Distor ang suspek na si Rose Vill Maldo alyas “Arvie Maldo”.
Ayon kay Distor, nag-ugat ang pagkaka-aresto kay Maldo matapos na makatanggap ng impormasyon ang NBI-SAU na ang naturang medical practitioner ay nagtitinda ng cannabis oil online bilang gamot sa cancer, epilepsy, pain relief at iba pang mga sakit at karagdagan sa e-cigarette o vape juice.
Napag-alaman na nakumpirma ng mga operatiba ng NBI-SAU ang iligal na aktibidad ng suspek kaya’t agad isinagawa ang entrapment operation.
Si Maldo ay naaresto sa isang coffee shop sa Barangay Doña Imelda sa Quezon City kung saan nakumpiska sa kaniya ang kabuuang 27mL na cannabis oil na tinatayang ang halaga ay aabot sa ₱26,000, isang 9mm taurus G3 pistol at sangkaterbang bala nito.
Isinumite ang mga nakumpiskang iligal na droga sa NBI-Forensic Chemistry Division (NBI-FCD) para sa laboratory examination at analysis kung saan natuklasan itong positibo sa iligal na droga.
Sinampahan na si Maldo ng kasong Section 5 ng R.A. 9165 o mas kilala sa “The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, COMELEC Resolution No. 10728 in relation to Omnibus Election Code at Article 172 in relation to Article 171 o Falsification by Private Individual and Use of Falsified Document of the Revised Penal Code.