*Roxas, Isabela-* Mahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang isang disi syete anyos na lalaki at isang Grade 8 student matapos matiklong bumabatak ng marijuana sa isang videoke bar kagabi sa Sitio Katuday, Brgy Bantug, Roxas, Isabela.
Kinilala ang mga natimbog na sina Jan-jan Silapan, 19 anyos, grade 8 student at ang menor de edad na itinago sa pangalang “Jimmy” na pawang mga residente ng brgy San Rafael, Roxas, Isabela.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Chief Inspector Engelbert Bunagan, hepe ng PNP Roxas, ipinaabot sa kanilang himpilan ng mga empleyado ng isang bar ang impormasyon na pagpa-pot session ng dalawang suspek habang umiinom ng alak.
Agad namang rumesponde ang kapulisan at dito naaktuhan ang pagbatak ng dalawang suspek sa kanilang mga dalang marijuana na nagresulta sa kanilang pagkakadakip.
Narekober mula sa pag-iingat ng mga suspek ang isang wrapped newspaper na naglalaman ng hinihinalang marijuana, isang kaha ng sigarilyo na naglalaman rin ng marijuana at isa pang folded paper na naglalaman ng tuyong dahon ng marijuana mula sa pag-iingat ni Silapan.
Ang pagdakip sa dalawang suspek ay sa presensya ng dalawang brgy Kagawad at sa presenysa rin ng isang local na mamamahayag.