Isang militanteng grupo, hinarang ng MPD ng tangkain makalapit sa Mendiola para magsagawa ng kilos protesta

Hinarang ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isang militanteng grupo na nagtangkang lumapit at magsagawa ng kilos protesta sa Mendiola, Maynila.

Ito’y upang ipanawagan ang agarang pamimigay ng ayuda sa mga Pilipinong apektado ng COVID-19 pandemic.

Partikular na nagsagawa ng “kalampagan” sa Mendiola ang mga miyembro ng Kilusang Mayo Uno (KMU) kung saan hinarang na sila ng mga pulis sa may bahagi pa lamang ng Recto Avenue.


Bahagya ring nagkaroon ng tensyon dahil pilit na kinukuha ng mga pulis ang mga dalang materyal ng mga raliyista.

Pero pinayagan na rin sila dahil iilan lamang ang mga raliyista at wala namang planong manggulo.

Iginigiit ng grupo na hindi sapat ang katiting na ayuda ng pamahalaan sa kasalukuyan at sa katunayan ay nakakainsulto pa raw ito sa gitna ng pandemya at krisis-pangkalusugan gayundin sa pangkabuhayan.

Ayon kay Jerome Adones – Secretary General ng KMU, nakababahala ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na tila pag-amin na hirap sa suplay ng COVID-19 vaccine kung saan wala ring sinabi ang presidente na gagawin para maresolba ang problema.

Sa darating naman na Labor Day, lalabas muli sila sa kalsada upang kalampagin ang pamahalaan hinggil sa hinaing ng mga mangggagawa at ng sambayanang Pilipino.

Facebook Comments