Cauayan City, Isabela- Kusang nagbalik-loob sa gobyerno ang isang kasapi ng Milisyang Bayan (MB) sa tulong ng mga pinagsanib pwersa ng kapulisan at militar sa Rizal, Cagayan.
Kinilala ang sumuko na si Alyas Aljay at Ka Ranny, 36 taong gulang, walang asawa, magsasaka at residente ng Sitio Groupings, Brgy. Masi, Rizal, Cagayan.
Nahikayat si Alyas Aljay na sumuko sa pamahalaan dahil sa patuloy na pakikipag-ugnayan at paghahatid ng serbisyo ng mga militar sa Zinundungan Valley na may kaugnayan sa End Local Communist Armed Conflict (ELCAC) ng gobyerno.
Ayon sa pahayag ng sumukong MB, taong 2021 nang siya mahikayat na sumampa sa CPP-NPA partikular sa grupo ni Alyas Red o Angie at nagsilbing mata at impormante ng mga rebelde na kumikilos sa Zinundungan Valley.
Nang matapos ni Alyas Aljay ang kanyang Individual Combat Training (ICT) ay pinag-aralan nito ang subject na PKP Trainings at itinalaga siya bilang “Pasa-bilis” ng isang kinilalang si alyas Simoy sa Brgy. Masi, Rizal, Cagayan upang bantayan ang presensya at galaw ng mga militar sa lugar.
Ibinahagi din ng sumukong MB na noong taong 2014, habang siya ay nag-aani ng mais kasama ang limang (5) katutubong agta, isang alyas Esben at alyas Mac kasama ang iba pang rebelde ang pumilit sa kanya na sumama sa kanila sa Sitio Ulima, Brgy San Juan, Rizal, Cagayan.
Habang sila ay nasa Sitio Ulima, ipinakita ng mga kasamang rebelde ang tatlong (3) kalalakihan na nakatali sa puno ng Mangga.
Pagkalipas ng ilang araw, nabalitaan na lamang ni Alyas Aljay na nakitang wala ng buhay ang tatlong iginapos na lalaki partikular sa ilog ng Sitio Baculud.
Natukoy na lamang na ang tatlong napabalitang natagpuang patay sa ilog ay ang dalawang nawawalang intelligence ng 17th Infantry Battalion at isang CAA member ng Philippine Army.
Si alyas Aljay ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng PNP Rizal para sa gagawing dokumentasyon at disposisyon.