ISANG MISTER SA PANGASINAN NAGPAKAMATAY DAHIL SA UMANO’Y PANLALALAKI NG MISIS NA OFW

INFANTA, PANGASINAN – Hindi na nailigtas pa ang buhay ng isang 38 anyos na mister matapos magpakatiwakal sa kanilang tahanan sa bayan ng Infanta, Pangasinan.

Sa naging imbestigasyon ng Infanta Police Station, nadiskubre ng labintatlong gulang na anak nito ang katawan ng kanyang ama na nakabitin sa brace ng bahay gamit ang nylon.

Agad humingi ng saklolo ang bata sa mga kapitbahay upang matanggal sa pagkakatali ang kanyang ama ngunit bigo na silang maisalba ang buhay nito.


Sa panayam ng iFM Dagupan sa imbestigador ng kaso, bago pa man mangyari ang insidente, una nang napag-alaman ng biktima na lantaran umano ang pakikipagrelasyon nito sa ibang lalaki habang nagtratrabaho sa ibang bansa ang kanyang misis dahilan para dumalas ang kanilang pag-aaway.

Dagdag pa ng imbestigador at ayon naman sa pamilya ng biktima, ilang araw na rin itong lango sa alak at kumakanta kanta pa raw ito ng mga awiting pamamaalam ang tema ng kanta ngunit isang araw winakasan na nito ang kanyang buhay.

Kumbinsido naman ang pamilya ng biktima na ang dahilan ng pagpapakatiwakal nito ay dahil sa pakikipag relasyon ng kanyang asawa kung saan naikukwento na nito sa kanila ang mga nangyayaring siwtasyon nilang mag-asawa.

Sa ngayon, pinaglalamayan na ang bangkay ng biktima sa kanilang tahanan sa nasabing bayan.###

Facebook Comments