Arestado ang isang miyembro at taga-suporta ng Maute Group at dalawang iba pa sa pagpapatupad ng search warrant sa Marantak, Lanao del Sur.
Ito ay sa pangunguna narin ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Lanao del Sur Provincial Field Unit, lokal na pulisya at Philippine Army (PA).
Kinilala ni CIDG Director Police BGen. Ronald Lee ang mga nahuli na sina Mastura Disomala, Samen Mamasao at Moca Giambal.
Nakumpiska rin sa mga ito ang ilang matataas na kalibre ng armas, bala at pampasabog.
Lumalabas sa imbestigasyon na si Disomala ay kilalang taga-suporta ng Maute sa ilalim ni Faharudin Hadji Satar, alyas Abu Zacharia na nagsasagawa ng operasyon sa Piagapo at isang dating barangay chairman na mayroong private armed groups na inuugay sa teroristang grupo.
Siya rin ay pamangkin ng isang Arafat, namatay na miyembro ng Maute/ISIS group.
Sa ngayon, inihahanda na ng mga otoridad ang kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act laban sa mga naarestong indibidwal.