Isang Motorista, Patay matapos sumalpok sa Trailer Truck!

Cauayan City, Isabela- Patay ang isang lalaki matapos sumalpok sa Trailer truck pasado alas tres kaninang madaling araw sa pambansang lansangan ng Brgy. District 1, Cauayan City, Isabela.

Nakilala ang biktima at driver ng Sniper 150 na si Jerek Armenio, 23 anyos, binata, residente ng Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela habang ang suspek at driver ng Trailer truck ay si Christopher Sanico, 28 anyos, walang asawa, residente naman ng Brgy Inocencio, Trece Martires City, Cavite .

Sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan, binabaybay ng biktima ang nasabing lansangan patungong Poblacion ng Cauayan at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay hindi nito napansin ang lumilikong trailer truck na patungo sa Ginebra San Miguel Company.


Sumalpok ang biktima sa kanang bahagi ng truck at tumilapon sa daan na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay.

Dinala na sa himpilan ng PNP Cauayan City ang suspek at inihahanda na ang kasong isasampa laban kay Christopher Sanico.

Facebook Comments