Isang Negosyante sa Lungsod ng Cauayan, Patay sa Pamamaril!

1218

*Cauayan City, Isabela- *Patay ang isang negosyanteng ginang matapos pagbabarilin sa loob ng kanyang sasakyan bandang alas syete y medya kagabi sa Purok 5 Brgy. Cabaruan, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Arlene Gonzales, 49 anyos at residente ng nasabing lugar.

Sa inisyal na report ng PNP Cauayan City na nakalap ng RMN Cauayan, dumating ang biktima sa kanyang bahay lulan ang kanyang puting Hyundai Accent na may plakang UQU310 nang biglang makarinig ng putok ng baril ang katiwala nito na nasa loob ng bahay.

Agad na lumabas ang kasambahay at nilapitan ang nakabukas na sasakyan ng biktima.

Nakita na lamang ng kasambahay ang duguan na katawan ng biktima habang nasa loob ng kanyang minamanehong sasakyan.

Naisugod pa ng Rescue 922 sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima para sa karampatang lunas subalit kalauna’y binawian din ito ng buhay.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong basyo ng bala ng Cal 45 habang patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng PNP Cauayan hinggil sa naturang pamamaril.

Facebook Comments