Nanawagan ngayon ang isang obispo sa gobyerno na paigtingin ang kanilang ginagawang pagsisikap para matapos na ang child labor sa bansa.
Ito ang reaksyon ni Daet Bishop Rex Andrew Alarcon, chairman of the Catholic Bishop’s Conference of the Philippines (CBCP) Episcopal on Youth hinggil sa October 2019 survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) na may 1.4 milyong Filipino ang nagtatrabaho bilang kasambahay sa bansa.
Sa nasabing bilang, apat na porsyento o higit sa 40,000 ang child domestic workers na nasa edad 18-anyos pababa.
Base pa sa survey, mababa sa isang porsyento o 5,000 na mga child domestic worker ay 15-taong gulang pababa.
Iginiit ng obispo na isa itong kumplikadong sitwasyon at nararapat lamang na sikapin ng gobyerno at lahat ng mga sektor ng lipunan na wakasan na ang ganitong uri ng takbo ng pamumuhay.
Dapat din daw na palakasin pa ang mga hakbang para maprotektahan ang mga bata at ipagpatuloy ang mga programa para sa kanilang kaligtasan at katauhan.