Ilang eskwelahan sa Metro Manila ang target na maisama ng Department of Education (DepEd) sa pilot implementation ng face-to-face classes na nagsimula na sa ilang lugar sa bansa ngayong araw.
Ayon kay DepEd Assistant Secretary Malcolm Garma, isang paaralan sa kada lungsod sa National Capital Region (NCR) ang nais nilang makalahok sa pilot run.
Kaugnay nito, tuloy-tuloy ang koordinasyon ng kagawaran sa mga alkalde sa Metro Manila para matukoy ang mga gagamiting eskwelahan.
Samantala, mas marami pang public at private schools ang lalahok sa pilot in-person classes sa mga susunod na linggo.
Isusumite naman ng DepEd kay Pangulong Rodrigo Duterte ang resulta ng pilot testing sa Pebrero.
Kapag maganda ang resulta, ikakasa ng DepEd ang pinalawak na face-to-face classes sa March 7, 2022.