Dismayado ang Trade Union Congress of The Philippines sa inasal ni Capas Mayor Reynaldo Catacutan na tutol na gawing quarantine area ng mga repatriated OFW mula China ang New Clark City.
Ayon kay TUCP Party-list Representative Raymond Mendoza sa pagdalo nito sa balitaan sa Maynila, nararapat lamang na magpaliwanag si Catacutan sa Department of Interior and Local Government o DILG dahil tila umaakto ito na siya ang may-ari ng bayan ng Capas.
Iginiit pa ng TUCP na tila hinaharang ng alkalde ang itinuturing na National Health Emergency Prerogative ng pamahalaan para maligtas ang mga OFWs at mabigyan din ng atensyon medikal ang mga tumulong sa mga ito para makabalik sa bansa.
Sinabi pa ni Mendoza na hindi ito ang oras para umasal at magdesisyon si Catacutan na parang pansarili lamang kung saan dapat daw ay tumulong at sumuporta ito para sa kapakanan ng mga OFWs.
Hindi na rin daw dapat tanungin pa ng alkalde ang naging desisyon ng Inter-Health Committee ng pamahalaan dahil itinuturing ng Department of Health o DOH na ligtas ang Tarlac partikular ang New Clark City sa posibleng transmission ng 2019 novel coronavirus o nCoV.
Matatandaan naman sa inilabas na pahayag ni Catacutan, sinabi nito na hindi umano sila nasabihan at nabigla lamang sa lumabas na balita kung kaya’t bilang namumuno sa kanilang bayan ay nararapat lamang daw na malaman niya ang buong detalye sa nasabing plano.