Nagsagawa ng kilos protesta ang Kabataan Partylist group sa harap ng tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) sa Intramuros, Maynila.
Ito’y upang ipanawagan na ibasura ang inihaing kaso ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC laban sa kanila.
Nabatid na ngayong araw ang unang hearing ng COMELEC hinggil sa inihaing kaso ng NTF-ELCAC sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General na si Jose Calida na kanselahin ang registration ng Kabataan Partylist.
Sa pahayag ng nasabing partylist, ang naging hakbang ay isa sa pinakamalaking banta para pigilan na magkaroon ng partisipasyon at boses ang mga kabataan sa kongreso.
Bukod dito, nais rin ng grupo na i-disqualify ang isa mga partylist na sinusuportahan at kaalyado ng NTF-ELCAC.
Iginiit nila na dapat manatili at magkaroon ng pagkakataon ang sektor ng kabataan na makilahok sa usapin politikal lalo na sa Mababang Kapulungan.