Kinumpirma ng Philippine Consulate ang panibagong kaso ng pang-haharass sa mga Pilipino sa New York City.
Ayon kay Philippine Consul General in New York Elmer Cato, isang 51-anyos na Pinay ang umano’y ‘verbally assaulted’ o pinagsalitaan ng masasakit at hinarass ng isang palaboy sa subway station.
Nangyari ang insidente noong Sabado sa 63rd Drive Subway Station sa Rego Park, Queens kung saan tinangka pa ng palaboy na pigilan ang Pinay na makasakay sa tren.
Ito na ang ika-42 kaso ng hate-crimes laban sa mga Pilipino sa New York simula 2021.
Bunsod nito, patuloy na pinag-iingat ng Philippine Consulate General sa New York ang mga Filipino doon dahil sa tumataas na insidente ng hate crime laban sa mga Asyano, kabilang ang mga Pinoy.
Pinayuhan din ng konsulada ang ating mga kababayan na agad na magreport sa kanilang mga tanggapan sakali mang mayroong mga ganitong uri ng insidente.
Para sa mga Pinoy na mangangailangan ng tulong ay maaaring makipag-ugnayan sa konsulado sa hotlines: +1-917-294-0196 and +1-917-239-4118.