Nasawi ang isang bagong kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) dahil sa heat stroke habang nasa initial training ito sa kanilang police campus sa Silang, Cavite.
Ayon kay PNP Spokesperson, Brigadier General Bernard Banac, si Cadet 4th Class Kenneth Ross Alvarado ay bigla na lamang bumagsak habang nasa evening mess formation, alas-5:30 ng hapon nitong Miyerkules.
Isinugod si Alvarado sa Health Service ng akademiya at inilipat sa Qualimed Hospital sa Sta. Rosa City, Laguna dahil sa hirap sa paghinga.
Sa kasamaang palad, binawian ng buhay ang kadete dakong alas-10:00 na ng gabi.
Si Alvarado ay miyembro ng PNPA Class of 2024 na binubuo ng 254 na lalaki at 52 babae.
Ang ama naman ni Alvarado ay miyembro ng PNPA Class of 1992.
Ipinag-utos na ni PNP Chief, Police General Archie Francisco Gamboa na imbestigahan ang insidente para maiwasang maulit ang mga ganitong insidente sa hinaharap.