Isang Pribadong Kumpanya sa Lungsod ng Cauayan, Inireklamo ng mga Empleyado!

*Cauayan City, Isabela*- Inireklamo ng ilang empleyado ng isang pribadong kumpanya sa Lungsod ng Cauayan ang hindi makataong pagtrato sa kanila maging ang mababang pasahod sa mga ito.

Sa personal na pagdulog ng ilang mga kawani ng UNITOP General Merchandise sa himpilan ng 98.5 iFM Cauayan, ilan sa kanilang hinaing ang hindi tamang pagpapasahod sa kanila ng kanilang employer, hindi tamang pagbabayad ng overtime pay (OT) at pamamahiya sa maraming tao.

Sa eksklusibong panayam naman ng 98.5 iFM Cauayan kay Ms. Mayeth Revil, Store Supervisor ng UNITOP General Merchandise, iginiit nito na ang mga reklamo ng mga empleyado gaya ng mababang pasahod at hindi tamang kompyutasyon ng Overtime Pay (OT) ay kanilang itatama simula ngayong araw at magiging patas na rin sa pagtrato sa bawat empleyado.


“Simula ngayong araw sasahod na sila ng minimum wage na P360 kada araw” pahayag ni Revil. Itinanggi naman nito ang ilan sa mga reklamo na umano’y iligal na pagtanggal sa isa nilang empleyado.

Gayunman, ipapatupad pa rin aniya ng kanilang pamunuan ang kaukulang parusa sa sinumang empleyado na lalabag sa kanilang alituntunin.

Samantala, nagpasalamat naman si Ginang Revil sa pagtungo ng RMN News sa kanyang tanggapan upang maging malinaw ang lahat sa panig ng mga empleyado at sa kanilang tanggapan.

Facebook Comments