Isang pulis, namatay sa COVID-19; death toll ng COVID-19 sa PNP, umabot na sa 88

May panibagong pulis ang nasawi matapos na maging infected ng COVID-19 kaya umabot na sa 88 ang namatay dahil sa virus sa Philippine National Police (PNP).

Sa ulat ni PNP Chief General Guillermo Eleazar, ang panibagong nasawing pulis ay 48 anyos na Police Lt. Col. mula Oriental Mindoro.

Bagama’t naturukan na ng unang dose ng Sinovac noong Hunyo, nagpositibo pa rin ito sa COVID-19 at nitong August 7 ay nagsimula na siyang mahirapan sa paghinga.


Kinabukasan lamang habang nakaratay sa MMG Hospital sa Tawiran, Oriental Mindoro, binawian na ito ng buhay dahil sa atake sa puso sanhi ng COVID-19.

Nagpaabot naman si Eleazar ng taos-pusong pakikiramay sa pamilya ng nasawing pulis at tiniyak na may matatanggap na tulong ang naiwang pamilya.

Samantala, umabot na sa 87,040 ang nabakunahan kontra COVID-19 sa PNP.

Sa bilang na ito, 67,000 ang fully vaccinated habang mahigit 66,000 ang naturukan ng unang dose.

Facebook Comments