Isang retiradong hukom, itinuturing na ng NBI na person of interest sa pagpatay sa pinalitan niyang huwes sa Liloy, Zamboanga del Norte

Itinuturing na ng National Bureau of Investigation na person of interest ang sinibak na hukom ng Liloy, Zamboanga del Norte sa kaso ng pagpatay kay Judge Reymar Lacaya.

Sinabi ni NBI Spokesman at Deputy Director Ferdinand Lavin na  isinama na nila si Retired Judge Oscar Tomarong sa pag-iimbestiga sa kaso ng pagpatay kay Judge Lacaya.

Kasunod na rin ito ng pagkaka-aresto sa isa sa mga suspek na si Juliver Cabating, isang job order personnel ng DPWH na nakatoka sa RTC sa lalawigan.


Siya ay naaresto nung Lunes sa Mati, Davao Oriental at iniharap kanina ng NBI sa media.

Si Cabating ang sinasabing spotter sa pagpatay kay Lacaya at tumatayong  driver at errand boy ni Tomarong.

Bukod kay Cabating, may dalawa pang kasabwat  sa pagpatay kay Lacaya, na kinikilala lang sa mga alyas na “Jerry” at “Ramil”  ang kinasuhan na rin ng NBI sa Dipolog District Office.

Bago napatay si Lacaya noong May 9, sinabi ng kanyang maybahay na nagsabi sa kanya ang mister na baka magalit si Tomarong sa kanya sa hindi naman binanggit na dahilan.

Nitong Marso, nasibak sa tungkulin bilang RTC Judge ng Branch 28 sa Liloy, Zamboanga del Norte si Tomarong dahil sa sinasabing katiwalian at humalili sa kanya si Judge Lacaya.

Facebook Comments