Isang retiradong opisyal ng QCPD, inakusahang scammer; NCRPO, na-‘Wow Mali’ pala

Ikinagulat ni Retired Col. Rodel Marcelo ang pag-akusa sa kaniya ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) na scammer.

Nauna rito, nag- post ang NCRPO ng Facebook (FB) page at cellphone number ng naturang retiradong opisyal ng Quezon City Police District (QCPD).

Ayon kay Marcelo, tila ‘nakuryente’ ang NCRPO dahil hindi muna nagsagawa ng beripikasyon bago ibinandera ang kanyang cellphone number sa NCRPO FB page bilang scammer.


Bago ito, sinabi ni Marcelo na nakatanggap siya ng mensahe ng babala sa solicitation umano ni NCRPO Chief Jose Melencio Nartatez, Jr.

Nang beripikahin umano niya ang babala ay laking gulat ng dating colonel na ang kaniyang cellphone number ang tinutukoy ng NCRPO na scammer.

Agad siyang nagtungo sa anti-cybercrime unit ng QCPD upang iulat ang insidente.

Dahil sa sunud-sunod na tawag ng mga dating ka-tropa sa QCPD, boluntaryong nagtungo si Marcelo sa intelligence division ng NCRPO para linisin ang kaniyang pangalan.

Ipinaalam din ni Marcelo na may suspek na ang QCPD sa tunay na scammer at ito ay nakilalang si Darell John Green, na isang Nigerian at nakasuhan na umano ito.

Nabatid na kinalaunan at tinanggal na rin ng NCRPO sa kanilang FB page ang public advisory na nagdikdik sa dating opisyal ng QCPD bilang scammer.

Facebook Comments