
Isang kakaibang eksena ang nasaksihan sa paggunita ng Ash Wednesday sa bayan ng San Fabian, Pangasinan.
Sa halip na abo, marker ang ginamit ng isang relihiyosong grupo sa paglalagay ng tanda sa noo ng kanilang mga miyembro bilang bahagi ng ritwal.
Ang nasabing grupo ay ang Crusaders of the Divine Church of Christ, na hindi kabilang sa Simbahang Romano Katolika.
Dahil sa paggamit ng marker imbes na abo, umani ito ng iba’t ibang reaksiyon sa social media. May ilang netizen ang nagbiro at tinawag ang pagdiriwang bilang “Ink Wednesday.”
Giit ng grupo, hindi ang materyales na ginamit—maging ito man ay Pentel pen o abo—ang mahalaga, kundi ang kahulugan ng paglalagay ng krus at ang lalim ng pananampalataya na kaakibat nito.
Ipinaliwanag din ng samahan na kaibahan lamang umano sa simbolo ang pagitan nila at ng ibang Kristiyano: single horizontal barred cross ang gamit ng iba, samantalang double horizontal barred cross naman ang sa kanila, na sumisimbolo umano sa pagdating ng Banal na Espiritu sa mundo.
Ayon sa tala, itinatag ang samahan noong Setyembre 27, 1955 sa pangunguna ni Rufino S. Magliba at rehistrado sa Securities and Exchange Commission sa Maynila.
Bagama’t may sarili silang paniniwala at ritwal, malinaw na hiwalay ang grupo sa tradisyong sinusunod ng Simbahang Katolika tuwing Ash Wednesday.
Sa ngayon, patuloy ang usapan online kaugnay sa kakaibang paraan ng kanilang paggunita. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










