Saturday, February 14, 2026

Isang senador, hindi basta lalagda sa partial report ng Blue Ribbon Committee sa flood control projects

Nakasalalay sa nilalaman ng ulat ang paglagda ni Raffy Tulfo sa partial committee report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.

Sa isang pulong-balitaan, sinabi ni Tulfo na nakadepende sa kanyang pagsusuri at appreciation sa report kung ito ay kanyang pipirmahan.

Aniya, kung makita niyang sapat at karapat-dapat ang mga nakapaloob sa ulat ay lalagda siya. Gayunman, kung may makita siyang mali o kulang sa nilalaman nito ay hindi niya ito pipirmahan.

Binigyang-diin ng senador na wala siyang mungkahing baguhin ang lengguwahe ng partial report at hindi niya pinakikialaman ang trabaho ng committee chairperson.

Dagdag pa ni Tulfo, kailangan muna niyang masusing pag-aralan ang dokumento bago lumagda. Aniya, nasa page 20 pa lamang siya ng ulat dahil sa dami ng mga kasong at iba pang usaping tinututukan ng kanyang tanggapan.

Facebook Comments