Iginiit ni Committee on National Defense and Security Chairman Senator Panfilo Ping Lacson sa pamahalaan na pag-aralang mabuti ang planong development projects ng China sa tatlong isla sa bansa.
Ang tinutukoy ni Lacson ay ang ikinakasang economic at tourism projects ng mga negosyanteng tsino sa mga isla ng Fuga sa Cagayan Province at sa mga isla ng Grande at Chiquita sa Subic Bay, Zambales.
Diin ni Lacson, posibleng maghatid ng panganib ang nabanggit na mga proyekto ng Chinese investors.
Ayon kay Lacson, estratehiko para sa seguridad ng bansa ang nabanggit na mga lugar kung saan may mga pasilidad ang Philippine Navy.
Bunsod nito ay ipinaliwanag ni Lacson na dapat balansehin ng gobyerno ang ating pambansang seguridad at ang pagpasok ng pamumuhunan mula sa China.