Ikinatuwa ni Senator Joel Villanueva na pangunahing binanggit ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa kanyang inauguration speech ang kahalagahan ng oportunidad sa trabaho, Technical-Vocational (Tech-Voc) training, at karampatang sahod.
Bunsod nito ay plano ni Villanueva na makipag-ugnayan sa mga economic managers ng bagong administrasyon, lalo na kina incoming Department of Migrant Workers Secretary Toots Ople at incoming Labor Sec. Bienvenido Laguesma.
Sabi ni Villanueva, ito ay para pagtuunan ang mga programang para sa kapakanan at kaunlaran ng ating mga manggagawa.
Kasama sa mga programang nais tutukan ni Villanueva ay ang pagtataguyod ng National Employment Strategy at TUPAD Emergency Employment program na magpapatuloy ng mga programang nasimulan na ng Duterte administration.
Ayon kay Villanueva, angkop din ang mga programang ito para agarang matugunan ang epekto ng kasalukuyang krisis sa ating mga manggagawa lalo na para sa sektor ng transportasyon at agrikultura.