Pinakikilos ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga awtoridad na bigyan ng sapat na proteksyon ang mga miyembro ng media.
Kaugnay pa rin ito sa hindi matapos na mga kaso ng pagpaslang sa mga mamamahayag.
Hiling ni Go sa mga law enforcer na gawin ang lahat ng paraan para maprotektahan ang mga miyembro ng media dahil maliban sa banta ng COVID-19 sa uri ng kanilang trabaho ay nalalagay rin sa panganib ang kanilang buhay bunsod naman ng mga sensitibong impormasyon na kanilang nakakalap.
Kasabay ng panawagan para sa proteksyon sa lahat ng media ang hirit din ng mambabatas sa pagpapatibay ng inihaing Senate Bill 1183 o ang “Media and Entertainment Workers’ Welfare Act” na layong palakasin ang pagbibigay proteksyon, seguridad at benepisyo para sa mga media at entertainment workers.
Tinukoy ni Go na ang mga nasa media at entertainment industry ay patuloy sa kanilang trabaho na pagbibigay impormasyon sa publiko sa kabila ng banta ng pandemya.