Kasabay ng ika-anim na taong pag-gunita sa pananalasa ng super typhoon Yolanda ay tiniyak ni Senator Christopher Bong Go na walang substandard sa mga pabahay ng gobyerno para sa mga biktima nito.
Ipinagmalaki pa ni Go na nang maupo sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte ay mayroon lamang 45,000 na units para sa Yolanda survivors na ngayon ay umaabot na sa mahigit 180,000 units.
Pahayag ito ni Go, kasabay ng pakikibahagi niya sa groundbreaking at capsule-laying ceremony para sa pagtatayo ng 500 bagong housing units para sa mga naapektuhan ng Typhoon Yolanda sa Barangay Maribi, Tanauan, Leyte.
kasunod nito ay nagtungo din si Go sa Tanauan Plaza para sa candle-lighting ceremony para sa nasawi sa kalamidad na humagupit sa bansa noong november 8, 2013.
Ayon kay Go, sa kanyang pagdalaw sa mga kababayan sa Leyte ay ramdam pa rin ang lungkot pero dapat nang ituon ang pansin sa rehabilitasyon sa lugar.