Kahit hanggang sa ikatlo ng Hunyo na lamang ang sesyon ng Senado ay umaasa si Senator Risa Hontiveros na matatalakay at maaaprubahan sa susunod na linggo ang report ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ukol ito sa diumano’y mga maanumalyang transaksyon ng gobyerno sa Pharmally Pharmaceutical Corporation kaugnay sa pagbili ng pandemic supplies.
Base sa impormasyon, hanggang sa ngayon ay siyam na senador pa lamang ang lumalagda sa draft report ng committee na iniakda ng chairman nito na si Senator Richard Gordon.
11 senador ang kailangang lumagda sa draft report at kapag hindi ito nakamit ay hindi ito maipepresinta sa plenaryo.
Sa nasabing report na inilabas noong Pebrero, ay inirekumendang kasuhan si Pangulong Rodrigo Duterte bunsod ng umanoy pagtataksil sa bayan dahil hinayaan umano nito na magsamantala ang mga tauhan at kaibigan sa gitna ng pandemya.
Kasama rin sa rekomendasyon na kasuhan ang mga naging opisyal ng procurement service ng Department of Budget and Management at ng Pharmally.