Isang senador, umaasang matutugunan ng susunod na liderato ng DOTr ang mga problema sa transportasyon

Welcome kay Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe ang pagpili ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay dating Philippine Airlines President and COO Jaime Bautista para maging kalihim ng Department of Transportation (DOTr).

Puno ng pag-asa si Poe na para sa kapakanan ng mamamayan ay matutugunan ni Bautista ang mga hamon at problema sa sektor ng transportasyon na lalong pinalala ng pandemya.

Pangunahing tinukoy ni Poe ang dose-dosenang infrastructure projects na hindi pa rin tapos gayundin ang milyon-milyong mananakay at motorista na tila humaharap kay kamatayan araw-araw dahil sa matinding suliranin sa trapiko.


Binanggit din ni Poe ang patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na pumipilay sa mga ordinaryong mamamayan, mga may-ari ng sasakyan at mga tsuper ng pampublikong transportasyon.

Hinggil dito ay pinuri naman ni Poe ang pagkakatalaga kay Cesar Chavez bilang undersecretary ng DOTr.

Umaasa si Poe na gagamitin ni Chavez ang kakayahan nito sa pamamahala para ayusin at imodernisa ang ating mga tren at daanan ng tren bilang mahalagang bahagi ng mass transportation sa bansa.

Facebook Comments