Umaapela si Subcommittee on Education Chairman Senator Win Gatchalian sa Malakanyang na sertipikahang urgent ang panukala para sa mandatory ROTC o reserve officers’ training corps sa grade 11 at 12.
Sa lunes ay plano ng i-endorso ni Gatchalian sa plenaryo ang panukala kung saan inaasahang maraming senador ang magtatanong hinggil dito.
Ayon kay Gatchalian, kung hindi sisertipikahang urgent ay kailangan pa nitong dumaan sa 3-araw bago maaprubahan kaya baka hindi na maipasa bago mag-adjourn ang 17th Congress.
Sa committee report ni Gatchalian ay itinatakda na kaakibat ng pagpapatupad ng ROTC ang pagkakaroon ng grievance committee sa bawat eskwelahan.
Isinusulong din ni Gatchalian na hindi sisentro lang sa military training ang ROTC dahil dapat nakapaloob din dito ang disaster preparedness at discipline components.