Isang senador, umapela sa mga militanteng grupo na huwag galitin ang mga mahihirap

Nakiusap si Administration Senator Ronald Bato Dela Rosa sa mga militanteng grupo, partikular sa grupong Kadamay na huwag galitin ang mga mahihirap na Pilipino.

Ang apela ni Dela Rosa ay kasunod ng riot sa Quezon City, kung saan nagtipu-tipon ang mga nagugutom na mga residente na base sa report ay inudyukan umano ng militanteng grupo.

Paliwanag ni Dela Rosa, walang kinikilalang limitasyon ang COVID-19, maging sa panig ng pulitika kaya mas mabuting lahat tayo ay magkaisa sa halip na pagwatak-watakin ang mamamayan.


Diin ni Dela Rosa, tinutugunan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkabalam sa pamamahagi ng tulong sa mga higit na apektado ng krisis na dulot ng COVID-19.

Sabi ni Dela Rosa, inalis na ni Pangulong Duterte sa mga politiko ang distribution ng tulong at sa halip ay nilagay na sa Department of Social Welfare and Development o DSWD ang pamamahala dito.

Facebook Comments