Isang Sibilyan, Muntikang Mabaril sa Sagupaan ng NPA vs. Pulis sa Cagayan

Cauayan City, Isabela- Ibinahagi ng hepe ng Gattaran Police Station na may isang sibilyan ang muntikang madamay sa nangyaring sagupaan sa pagitan ng mga rebelde at kapulisan sa barangay Mabuno sa nasabing bayan kahapon ng umaga, Hunyo 7,2021.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj Raymund Baggayan, hepe ng PNP Gattaran, isang matandang babae aniya ang maswerteng hindi tinamaan ng bala ng baril nang sumiklab ang bakbakan sa tropa ng 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) ng Cagayan Police Provincial Office at mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Sitio Sicalao.

Ayon sa Hepe, mayroong ipinapatayong bahay ang kapulisan sa nasabing lugar bilang bahagi ng “Libre Project Pabahay” ng PNP para sa isang benepisyaryo na dati rin suporter ng NPA.


Posible aniya na natimbrehan ng mga rebelde na nasa high ground ang presensya ng mga pulis sa lugar kaya’t sila ay inabangan sa ilog na nagresulta sa engkwentro.

Matapos ang limang minutong palitan ng putok ng baril sa magkabilang panig, narekober sa pinangyarihan ng engkwentro ang 18 piraso ng basyo ng Caliber 5.56mm o armalite.

Samantala, inihahanda na ng pulisya ang mga kasong posibleng maisampa laban sa mga nakasagupang NPA.

Facebook Comments