Paikot na ng Maysilo Circle ng Mandaluyong City ang pumipila sa community pantry na itinayo ng Archdiocesan Shrine of the Divine Mercy.
Ayon sa ilang nakapila pasado alas-5:00 kaninang madaling araw ay nakapila na sila upang makatiyak na may makukuha sila mula sa nasabing community pantry.
Sinabi naman ni Father Ernesto Panelo, ito ay unang araw pa lang, pero kung mayroon pang magdo-donate ay gagawin nila itong bukas tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-11:00 ng umaga.
Sa ngayon ay nag-ambag lang muna ang mga organisasyon na kasapi ng simbahan ng goods para sa unang araw ng kanilang community pantry.
Maliban sa ibinigay na mga pangunahing pangangailangan, nagbibigay rin sila ng facemask, faceshield, sabon at isang kahilingan na magdasal upang matapos na ang pandemya.
Tumulong naman ang mga traffic enforcer ng lungsod sa pagpapatupad ng safety at health protocols laban sa COVID-19.