Isang Suspek ng Riding-in-Tandem na Bumaril sa Isang Partidor, Natimbog!

Santa Maria, Isabela- Arestado at sugatan ang isang suspek ng Riding-in-tandem habang tinutugis naman ng kapulisan ang kasama nito matapos pagbabarilin ang isang lalaki sa isang sabungan sa Brgy. Poblacion 1, Sta. Maria, Isabela.

Kinilala ang nadakip at sugatang suspek na si Bryan Soriano, bente singko anyos, isang traysikel drayber at ang kanyang kasamang nakatakas na si Benjie Soriano, bente sais anyos, pawang mga residente ng Brgy. Minananga Norte, San Pablo, Isabela samantalang ang biktima naman ay kinilalang si Edwin Macapallag, nasa tamang edad, isang partidor at residente ng Brgy. Minaga Norte, San Pablo, Isabela.

Batay sa panayam ng RMN Cauayan SPO1 Helmo David Furoc, ang imbestigador ng PNP Santa Maria, habang nasa isang sabungan ang biktima sa nasabing lugar ay nilapitan ito ng dalawang suspek at binaril ng tatlong beses sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril.


Nang marinig ng kapulisan ang putok ng baril ng mga suspek ay agad nila itong nirespondehan kung saan paalis na ang dalawang suspek lulan ang kanilang motorsiklo at dito na nagtamo ng putok ng baril si Bryan habang nakatakas naman ang kasama nitong si Benjie.

Sa ngayon ay nasa kritikal na kalagayan ang biktimang si Edwin Macapallag habang patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP Santa Maria hinggil sa naturang pamamaril at tinutugis na rin ng kapulisan ang isa pang suspek na si Benjie Soriano.

Facebook Comments