Isang taong gulang na bata sa Calapan City, positibo sa COVID-19

Kinumpirma ni Oriental Mindoro Govenor Bonz Dalor ang pinakaunang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Calapan City nitong Huwebes.

Sa Facebook post ng gobernador, sinabi niyang positibo sa nakahahawang virus ang isang taon at siyam na buwang gulang na bata na residente ng Barangay Ilaya.

Aniya, ito raw ang pinakabatang tinamaan ng COVID-19 sa Pilipinas.


May travel history ang paslit sa Alabang, Muntinlupa City mula Marso 5-12 ng kasalukuyang taon.

“Dahil siya ay napakabata pa at upang siguraduhin pang lalo, humiling ako sa DOH na muling ipasuri (confirmatory test) ang kanyang specimen at ito naman ay kagyat na pinagbigyan,” pahayag ni Dolor.

Nabatid ng opisyal na kinuhanan din ng swab test ang magulang ng musmos at sumailalim sila sa mahigpit na quarantine.

Patuloy ang pagsasagawa ng contract tracing ng kinauukulan sa mga nakasalamuha o nakasama ng pasyente.

Panawagan ni Dolor sa mga kababayan, huwag mag-panic at sumunod sa home quaratine at physical distancing habang umiiral ang enhanced community quarantine.

Mas iigting pa raw ang pagbabantay ng awtoridad sa mga checkpoints at kailangan magsuot ng face mask ang sinumang lalabas ng bahay na bibili ng pagkain o gamot.

“Kung meron kayong kapamilya na nasa labas pa ng Oriental Mindoro ay huwag ng magpilit pumasok pa para na po sa kapakanan ng inyong pamilya at ng buong lalawigan,” pagpapatuloy ng gobernador.

Pumalo na sa 707 ang kabuuang bilang ng nagpositibo sa COVID-19 habang 45 naman ang bilang ng nasawi, ayon sa Department of Health noong Huwebes.

Facebook Comments